Jorebel E. Billones
BSED 4 Filipino
Sanaysay at Talumpati
Mr. Elmer C. Albacete
Marso 24, 2014
AKLAT
Ang lahat ng mga araw na itinakda para sa akin
Ay nakasulat sa iyong aklat
Bago pa ang isa sa kanila ay nalalang.
-Psalm 139:16
Kaysarap talagang balikbalikan ang panahon na ikaw ay simpleng bata lamang hindi ba? Yung tipong gigising ka lang, magaaral at maglalaro kapag kagaling sa paaralan. Kung minsan pa nga hindi mo na lang namamalayan ang nangyayari sa isang buong araw na mga iyon at pagkatapos ng buong araw na iyon ay matutulog ka na lang ulit. Oh! Diba kay simple lang ang takbo ng ilan sa mga oras noong tayo’y musmos pa lamangKung minsan nga sa edad ko ngayon minsan gusto ko na lang manatili sa ganoong mga panahon, iyong bang wala kang iniisip na problema, iyong banag parang laro lang ang lahat sa iyo. Ngunit hindi pala pwede ang ganoon lamang tayo sa buhay at ang manatili lang sa ganoong estado.
Napakahiwaga ng ating buhay. Ito ay puno ng mga hiwaga na nakapagdudulot ng kasiyahan at kahalagahan ng buhay. Hindi tayo nawawalan sa buhay; palagi tayong mayroong nakukuha mula dito. Kung mayroon man tayong mga masalimuot na karanasan, tayo ay nakakukuha ng mga aral na maaring makatulong sa atin upang maging mas mabuting nilalang. Kung mayroon man tayong magagandang karanasan, ang mga ito ay nananatiling nakaluklok sa kailaliman ng ating mga puso bilang magagandang ala-ala. Kung susubukan nating magbalik tanaw sa ating mga nakaraan, masasabi nating kay ganda pala ng mabuhay.
Kung hayaan man akong magbalik tanaw sa lumipas, di ko akalain na ako’y makarating sa ating naratnan ngayon. Sa loob ng dalawampu’t dalawang taon na pamamalagi sa mundo ay bata pa rin ang aking puso. Sa kabila ng lahat ng mga nangyayari sa aking buhay, maganda man o hindi, ay patuloy pa rin akong nakikibaka. Malinaw pa sa aking ala-ala ang bawat lumipas na nakaukit sa aking balintataw.
Sabi ng aking ina na ako daw ay isang panalangin mula sa Poong Maykapal. Hindi siya gaano nagdusa sa sakit noong ipinanganak niya ako dito sa mundong ibabaw noong Hulyo 16, 1991. Maliban pa doon, nakikita nyang mabait akong bata noong aking kamusmusan; natutulog lang ako ng mahimbing sa duyan kaya’t patuloy pa rin siya sa kanyang mga ginagawa. Umiiyak lang ako kapag basa ang aking lampin at kapag ako ay nagugutom. Di rin ako nagkakasakit noong aking kamusmusan. Marahil ito ang mga dahilan kung bakit paborito ako ng aking ina.
Ako ay lumaki sa isang relihiyosong pamilya na may anim na miyembro at ako ang panganay sa aming magkakapatid. Ako ay tinuruan ng aking mga magulang na magkaroon ng pananalig sa Poong Maykapal. Ang aking ama ay isang tinder sa palengke noon samantalang ang aking ina naman ay kasama niyang nagtitinda sa ming maliit na tindahan. Bilang pamilya, namumuhay kami ng payapa at simple kapiling ang aking mga kapatid na sina Mary Joy ang pangalawa sa aming magkakapatid, si Cyril ang sumunod at ang aming bunso na si Deza.
Noong ako’y mag-aanim na taong gulang pa lamang, ako ay pumasok sa Mababang paaralan ng Epifanio Delos Santos sa Kalakhang Maynila. Sa anim na taon na pamamalagi sa paaralang ito ay ginawaran ako ng ilang mga parangal, nakasama ako noon sa top 10 sa klase. Marami akong mga karanasan na kaytamis balik-balikan tulad ng mga sandaling ako’y nakatanggap ng kendi mula sa aming guro dahil sa nai-perfect ko ang aming pagsusulit. Noon din nagsimula ang aking interes na maging guro pagdating ng panahon. At may isa akong karanasan na hindi ko talaga malilimutan noong anim na taong gulang pa lamang ako habang nag-aaral ako sa mababang paaralan. Ang aming paaralan kasi ay masasabi kong napakalawak ng kanyang nasasakupan. Maluwag ang bawat espasyo sa bawat sulok ng mga gusali at lumang-luma na ang mga ito. Dahil malawak nga ang aming paaralan, mahilig akong maglibot at gumala ng gumala sa loob ng gaming paaralan kapag recess time na at syempre kasama ko ang aking mga kaklase. Madalas ako pa yung nangungunang magyaya na maglibot, pero may pagkakataon din na hindi nila ako sinasamahan. Sa mga oras na hindi na nila ako sinamahan ay mayroong isang kababalaghang nangyari sa akin noon, hindi ko maisip na may mangyayari sa aking ganoon.
Isang gusali, madilim at mabaho. Nakakatakot doon at kung minsan wala talagang nagbabalak na tumuloy sa bahaging iyon. Nagugulumihanan ako kung ano ba ang mayroon sa gusaling iyon. Oo nga’t sa umaga ito ay isang napakaaliwalas kung ito’y pagmamasdan subalit pagsapit ng hapon punung-puno na ito ng kababalaghan. Kung minsan pa nga ay tinatakot pa kami ng mga nagbabantay sa paaralang iyon. Eh, hindi naman ako ganoon matatakutin kaya hindi ako naniniwala. Sa katigasan ng aking ulo, tumuloy ako sa bahaging iyon ng gusali, wala akong ni-isang kasama. Medyo kinakabahan lang ako pero hindi pa rin umatras ang aking mga paa. Dire-diretso pa rin siya hanggang sa may nakita akong malaking pinto. Kinilabutan ako ng bahagya ngunit hindi pa rin ako nagpaawat, tumuloy pa rin ako. Palapit na ako palapit sa malaking pinto na aking nakita. Sa isip ko noong mga oras na iyon , “ Ano kaya ‘to? Anong mayroon sa loob nito? May halimaw kaya dito? “ sambit ko. Nakakatuwang isipin na naiisip ko pa yun noong mga oras na iyon. Hanggang sa nasa tapat na ako ng malaking pinto na ito ay unti-unti ko itong binuksan. Laking gulat ko sa aking nakita. Punung-puno ito ng mga aklat, at kung anu-ano pang mga anik-anik na nakatago lamang sa malaking pintong iyon. Hindi pala pinto iyon, iyon pala ay isang aparador na pagmamay-ari ng paaralang iyon. Hindi ko alam kung bakit may ganoon doon, bakit hindi nila inilalabas ang mga aklat na naroroon. Syempre andun na rin naman ako kumuha na ako ng isang aklat. Isang malaking aklat ang nadampot ng aking mga kamay, maalikabok man at medyo mabigat ay kinuha ko pa din. Hindi ko na matandaan kung ano ang larawan na nakaukit sa pabalat ng aklat ngunit masasabi kong kabigha-bighani nito. Ang aking naaalala na nakalimbag sa aklat na ito ay “ Manatili ka sa iyong sinimulan, huwag kang magbabago at patatagin mo lamang ang iyong paniniwala sa Kanya. Marami pang mangyayari at huwag na huwag kang susuko”. Hindi maliwanag sa aking balintataw ang mga sumunod na pahayag, iyan na lamang kasi ang nananatili sa aking isipan. Noong mga oras na iyon, hindi ko maintindihan pero napaiyak ako. Iyak ako ng iyak, basing-basa na ng luha ang aking mga pisngi hanggang sa may isang liwanag akong nakita. Natakot ako noon dahil sobrang liwanag na niya tapos may isang tinig akong narinig. Hindi nga ako makapaniwala noon ngunit totoo talaga siya. Ang tinig niya ay parang nagmumula sa malayo ngunit malapit lamang naman siya sa akin. At sinambit niya ang mga katagang ito “Ang lahat ng mga araw na itinakda para sa akin. Ay nakasulat sa iyong aklat. Bago pa ang isa sa kanila ay nalalang”. Lubos ang kagalakan ang aking naramdaman noon kahit ko tunay na maunawaan kung ano ang nais na iparating sa akin ng nilalang na iyon. Pagkatapos niyang magsalita ay unti-unti na lang naglaho ang liwanag na bumabalot sa silid na iyon. Natulala ako ng sandali at tumungo na palabas sa silid.
Isang pangyayari sa isang buhay ko ang hindi ko malilimutan na mananatili sa isipan at puso ko. Marami nga hindi naniniwala sa akin noon kaya itinago ko na lamang siya. Ibinahagi ko ito sa aking mga kaibigan ngunit hindi pa rin sila naniniwala. Magsisilbi itong aral sa akin na hindi na siguro mawawaglit sa buhay ko. Ito na rin siguro ang naging dahilan para simulan ko sa aking isipan na maging madre. Noong una hindi ko alam kung bakit pumasok sa isipan ko ang mga ganoong bagay pero pursigido na talaga ako noon. Ngayon na nag-aaral na ako upang maging isang guro marahil kung may pagkakataon ako na ipagpatuloy ang pagiging isang madre at kung ito ay ipagkakaloob sa akin ng Panginoon bakit hindi? Ito ay isang pagtawag mula sa Poong Maykapal na hindi ko matatanggihan. Isa lamang akong bata noon ngunit isang hindi karaniwan na karanasan ang naiwan sa aking aking buhay. Ang tanging aral sa pangyayaring ito ay mas patatagin pa natin ang paniniwala sa kanya at sumunod sa kanyang kalooban.