Wednesday, March 26, 2014

Noong ako'y anim na taong gulang


Jorebel E. Billones
BSED 4 Filipino
Sanaysay at Talumpati
Mr. Elmer C. Albacete
Marso 24, 2014
AKLAT
Ang lahat ng mga araw na itinakda para sa akin
Ay nakasulat sa iyong aklat
Bago pa ang isa sa kanila ay nalalang.
-Psalm 139:16


Kaysarap talagang balikbalikan ang panahon na ikaw ay simpleng bata lamang hindi ba? Yung tipong gigising ka lang, magaaral at maglalaro kapag kagaling sa paaralan.  Kung minsan pa nga hindi mo na lang namamalayan ang nangyayari sa isang buong araw na mga iyon at pagkatapos ng buong araw na iyon ay matutulog ka na lang ulit. Oh! Diba kay simple lang ang takbo ng ilan sa mga oras noong tayo’y musmos pa lamangKung minsan nga sa edad ko ngayon minsan gusto ko na lang manatili sa ganoong mga panahon, iyong bang wala kang iniisip na problema, iyong banag parang laro lang ang lahat sa iyo. Ngunit hindi pala pwede ang ganoon lamang tayo sa buhay at ang manatili lang sa ganoong estado. 
Napakahiwaga ng ating buhay. Ito ay puno ng mga hiwaga  na nakapagdudulot ng kasiyahan at kahalagahan ng buhay. Hindi tayo nawawalan sa buhay; palagi tayong mayroong nakukuha mula dito. Kung mayroon man tayong mga masalimuot na karanasan, tayo ay nakakukuha ng mga aral na maaring makatulong sa atin upang maging mas mabuting nilalang. Kung mayroon man tayong magagandang karanasan, ang mga ito ay nananatiling nakaluklok sa kailaliman ng ating mga puso bilang magagandang ala-ala. Kung susubukan nating magbalik tanaw sa ating mga nakaraan, masasabi nating kay ganda pala ng mabuhay.
Kung hayaan man akong magbalik tanaw sa lumipas, di ko akalain na ako’y makarating sa ating naratnan ngayon. Sa loob ng dalawampu’t dalawang taon na pamamalagi sa mundo ay bata pa rin ang aking puso. Sa kabila ng lahat ng mga nangyayari sa aking buhay, maganda man o hindi, ay patuloy pa rin akong nakikibaka. Malinaw pa sa aking ala-ala ang bawat lumipas na nakaukit sa aking balintataw.
Sabi ng aking ina na ako daw ay isang panalangin mula sa Poong Maykapal. Hindi siya gaano nagdusa sa sakit noong ipinanganak niya ako dito sa mundong ibabaw noong Hulyo 16, 1991. Maliban pa doon, nakikita nyang mabait akong bata noong aking kamusmusan; natutulog lang ako ng mahimbing sa duyan kaya’t patuloy pa rin siya sa kanyang mga ginagawa. Umiiyak lang ako kapag basa ang aking lampin at kapag ako ay nagugutom. Di rin ako nagkakasakit noong aking kamusmusan. Marahil ito ang mga dahilan kung bakit paborito ako ng aking ina.
Ako ay lumaki sa isang relihiyosong pamilya na may anim na miyembro at ako ang panganay sa aming magkakapatid. Ako ay tinuruan ng aking mga magulang na magkaroon ng pananalig sa Poong Maykapal. Ang aking ama ay isang tinder sa palengke noon samantalang ang aking ina naman ay kasama niyang nagtitinda sa ming maliit na tindahan. Bilang pamilya, namumuhay kami ng payapa at simple kapiling ang aking mga kapatid na sina Mary Joy ang pangalawa sa aming magkakapatid, si Cyril ang sumunod at ang aming bunso na si Deza.
Noong ako’y mag-aanim na taong gulang pa lamang, ako ay pumasok sa Mababang paaralan ng Epifanio Delos Santos sa Kalakhang Maynila. Sa anim na taon na pamamalagi sa paaralang ito ay ginawaran ako ng ilang mga parangal, nakasama ako noon sa top 10 sa klase. Marami akong mga karanasan na kaytamis balik-balikan tulad ng mga sandaling ako’y nakatanggap ng kendi mula sa aming guro dahil sa nai-perfect ko ang aming pagsusulit. Noon din nagsimula ang aking interes na maging guro pagdating ng panahon. At may isa akong karanasan na hindi ko talaga malilimutan noong anim na taong gulang pa lamang ako habang nag-aaral ako sa mababang paaralan. Ang aming paaralan kasi ay masasabi kong napakalawak ng kanyang nasasakupan. Maluwag ang bawat espasyo sa bawat sulok ng mga gusali at lumang-luma na ang mga ito. Dahil malawak nga ang aming paaralan, mahilig akong maglibot at gumala ng gumala sa loob ng gaming paaralan kapag recess time na at syempre kasama ko ang aking mga kaklase. Madalas ako pa yung nangungunang magyaya na maglibot, pero may pagkakataon din na hindi nila ako sinasamahan. Sa mga oras na hindi na nila ako sinamahan ay mayroong isang kababalaghang nangyari sa akin noon, hindi ko maisip na may mangyayari sa aking ganoon. 

Isang gusali, madilim at mabaho. Nakakatakot doon at kung minsan wala talagang nagbabalak na tumuloy sa bahaging iyon. Nagugulumihanan ako kung ano ba ang mayroon sa gusaling iyon. Oo nga’t sa umaga ito ay isang napakaaliwalas kung ito’y pagmamasdan subalit pagsapit ng hapon punung-puno na ito ng kababalaghan. Kung minsan pa nga ay tinatakot pa kami ng mga nagbabantay sa paaralang iyon. Eh, hindi naman ako ganoon matatakutin  kaya hindi ako naniniwala. Sa katigasan ng aking ulo, tumuloy ako sa bahaging iyon ng gusali, wala akong ni-isang kasama. Medyo kinakabahan lang ako pero hindi pa rin umatras ang aking mga paa. Dire-diretso pa rin siya hanggang sa may nakita akong malaking pinto. Kinilabutan ako ng bahagya ngunit hindi pa rin ako nagpaawat, tumuloy pa rin ako. Palapit na ako palapit sa malaking pinto na aking nakita. Sa isip ko noong mga oras na iyon , “ Ano kaya ‘to? Anong mayroon sa loob nito? May halimaw kaya dito? “ sambit ko. Nakakatuwang isipin na naiisip ko pa yun noong mga oras na iyon. Hanggang sa nasa tapat na ako ng malaking pinto na ito ay unti-unti ko itong binuksan. Laking gulat ko sa aking nakita. Punung-puno ito ng mga aklat, at kung anu-ano pang mga anik-anik na nakatago lamang sa malaking pintong iyon. Hindi pala pinto iyon, iyon pala ay isang aparador na pagmamay-ari ng paaralang iyon. Hindi ko alam kung bakit may ganoon doon, bakit hindi nila inilalabas ang mga aklat na naroroon. Syempre andun na rin naman ako kumuha na ako ng isang aklat. Isang malaking aklat ang nadampot ng aking mga kamay, maalikabok man at medyo mabigat ay kinuha ko pa din. Hindi ko na matandaan kung ano ang larawan na nakaukit sa pabalat ng aklat ngunit masasabi kong kabigha-bighani nito. Ang aking naaalala na nakalimbag sa aklat na ito ay “ Manatili ka sa iyong sinimulan, huwag kang magbabago at patatagin mo lamang ang iyong paniniwala sa Kanya. Marami pang mangyayari at huwag na huwag kang susuko”. Hindi maliwanag sa aking balintataw ang mga sumunod na pahayag, iyan na lamang kasi ang nananatili sa aking isipan. Noong mga oras na iyon, hindi ko maintindihan pero napaiyak ako. Iyak ako ng iyak, basing-basa na ng luha ang aking mga pisngi hanggang sa may isang liwanag akong nakita. Natakot ako noon dahil sobrang liwanag na niya tapos may isang tinig akong narinig. Hindi nga ako makapaniwala noon ngunit totoo talaga siya. Ang tinig niya ay parang nagmumula sa malayo ngunit malapit lamang naman siya sa akin. At sinambit niya ang mga katagang ito “Ang lahat ng mga araw na itinakda para sa akin. Ay nakasulat sa iyong aklat. Bago pa ang isa sa kanila ay nalalang”. Lubos ang kagalakan ang aking naramdaman noon kahit ko tunay na maunawaan kung ano ang nais na iparating sa akin ng nilalang na iyon. Pagkatapos niyang magsalita ay unti-unti na lang naglaho ang liwanag na bumabalot sa silid na iyon. Natulala ako ng sandali at tumungo na palabas sa silid. 
Isang pangyayari sa isang buhay ko ang hindi ko malilimutan na mananatili sa isipan at puso ko. Marami nga hindi naniniwala sa akin noon kaya itinago ko na lamang siya. Ibinahagi ko ito sa aking mga kaibigan ngunit hindi pa rin sila naniniwala. Magsisilbi itong aral sa akin na hindi na siguro mawawaglit sa buhay ko. Ito na rin siguro ang naging dahilan para simulan ko sa aking isipan na maging madre. Noong una hindi ko alam kung bakit pumasok sa isipan ko ang mga ganoong bagay pero pursigido na talaga ako noon. Ngayon na nag-aaral na ako upang maging isang guro marahil kung may pagkakataon ako na ipagpatuloy ang pagiging isang madre at kung ito ay ipagkakaloob sa akin ng Panginoon bakit hindi? Ito ay isang pagtawag mula sa Poong Maykapal na hindi ko matatanggihan. Isa lamang akong bata noon ngunit isang hindi karaniwan na karanasan ang naiwan sa aking aking buhay. Ang tanging aral sa pangyayaring ito ay mas patatagin pa natin ang paniniwala sa kanya at sumunod sa kanyang kalooban.









Elehiya ng aking buhay



Jorebel E. Billones G. Elmer Albacete
BSED-4 Filipino Marso 23, 2014

"Elehiya ng aking Buhay"

Buhay natin ay isang regalo ng Maykapal. Kung minsan sa buhay natin hindi natin ito napahahalagahan. At sa buhay na namalagi ako sa mundong ito marami akong pinasasalamatan at masaya ako dahil naging bahagi ako ng isang mundong natuto akong maging masaya, malungkot, matakot at maging matapang. 
Sa loob ng walumpu’t walong taon na namamalagi ako sa mundong ibabaw na ito, marami akong natutunan na naibahagi ko na rin sa aking kapwa. Siguro kung aabot pa ako sa isang daang taon na siyang ninanais ng bawat isa sa atin ay marahil igugugol ko ang aking mga sandali na ibahagi kung ano ang kayamanang mayroon ako. 
Marami akong nais iwan sa mundong ito, nais ko na makatulong pa ng lubusan sa ating mga kababayan na lipos-dalita. Gumawa ng mga kanais-nais na gawain sa lipunan na maaaring makatulong sa paglago at pag-angat ng ating ekonomiya. Siguro kung mas marami pang pagkakataon nais kong ipagpatuloy ang pagbabahagi ng salita ng Diyos sa bawat isa sa atin upang hindi malimot kung ano nga ba ang ating halaga at misyon dito sa paraisong inilaan Niya sa atin. Nawawaglit na sa ating isipan kung minsan ang mga mahahalagang bagay na kailangan nating pagtuunan sa ating pang-araw-araw na buhay.
Ngayon nais kong iparating sa mga taong naging bahagi ng aking buhay ang pasasalamat at kasiyahang aking nadarama dahil naging malaking ambag sila sa paglago ng aking pagkatao. Ang aking pagkatao na noo'y mahina ay unti-unting naging isang kawayan na nanatiling tumatayo dumating man ang oras ng pighati, kalungkutan at kawalang pag-asa. Oo nga't musmos pa lamang ako ay parang pinuno na ang buhay ko ng kalungkutan ngunit may mga tao pa rin na andyan para sa akin upang pawiin ang bawat pagpatak ng luha sa aking mga mata. Ang mga dahilan kung kaya't sumisilay ang ngiti sa aking mga labi. 
Nais ko ding pasalamatan ang aking mga magulang na nariyan sa bawat oras ng aking kasiyahan, kalungkutan, at tagumpay. Sila lang naman ang gumagabay at tumataguyod sa aking pag-aaral na naging dahilan upang ako'y maging isang ganap na guro. Lubos ang aking kasiyahan sa mga hagod ng kanilang pagmamahal sa akin. Kung kaya't kung may maiiwan man ako sa mundong ibabaw na ito ayaw kong makikitang may lungkot sa kanilang mata kung ako'y lilisan sa isang buhay na kanilang iningatan simula pa noong ako'y isinilang.
Sabi sa kanta ng Buklod, “Pana-panahon ang pagkakataon, maibabalik ba ang kahapon?”  Paano babalikan ang kahapon kung ang kahapon ay isang pahina lamang sa panahon, kung ang panahon ay isang kabanata lamang sa kasaysayan, kung ang kasaysayan ay patuloy pa ring inaakda natin? Kung maibabalik ko nga lang ba ang kahapon, nais kong itama ang lahat ng aking pagkakamali sa aking pamilya, kaibigan at sa ating Panginoon. 
Oo nga't kaybilis ng panahon at minsan hindi natin masasabi kung kailan magwawakas ang lahat. Kung kaya hangga'tmay buhay pa tayong nalalasap sana ibigay na natin ang lahat ng kabutihan na mayroon sa ating sarili upang ganap tayong maging maligaya at karapat-dapat Kaniyang kaharian.

Thursday, March 20, 2014

Ang aking Guro: Propesor Albacete

Jorebel E. Billones
BSEd 4 - Filipino
Sanaysay at Talumpati
G. Elmer C. Albacete

Marso 25, 2014


Ang aking Guro: Propesor Albacete


Mas mabuti ang isang pag-aaral na kasama ng isang magaling na guro kaysa isanlibong araw ng masikap na pag-aaral. “ ( Better than a thousand days of diligent study is one day with a great teacher.”) Ang kasabihan na ito ng mga Hapones ay totoo po para sa akin.
Kay dami ng dumaan na mga guro sa aking buhay. Iba-iba ang kanilang mga katangian, pag-uugali at paraan ng pagtuturo. May hindi makabasag pinggan dahil sa sobrang bait, mayroon din namang “Ms. Tapia” lang ang peg sa sobrang taray. Mayroon din naman puro “Bring out your lecture notebook and copy this” sila yung mga guro na walang ginawa kung hindi magpakopya at nauubos ang buong oras ng klase nang kakakopya. Ngunit hindi rin naman kaila na mayroon din namang tayong mala-Albert Einstein na guro sa sobrang talino at dahil sa dami nilang naibabahagi sa iyong kaalaman ay mas nagiging interesado at nawiwili ka sa asignaturang iyon. At isa na nga rito ang isa sa mga hinahangaang propesor sa aking Unibersidad na tinatawan ng utang na loob sa aking paglago bilang isang mabuti mag-aaral. Siya ay si G. Elmer C. Albacete, isang guro sa asignaturang Social Sciences, Antrpolohiya, Politics and Governance, Phil. History at mga kurso sa Rizal sa iba’t ibang kilalang Unibersidad at Pamantasan. Hindi lamang siya isang simpleng propesor na maituturing ngunit isa din siyang punung-guro ng isang pribadong paaralan. Kahit isa na siyang matagumpay na guro sa kasulukuyan hindi pa rin siya  tumitigil sa paglalakbay sa kanyang landas bilang isang magiting na guro. Hindi siya tumitigil sa pagtanggap ng iba’t ibang oportunidad na dumarating sa kanyang buhay. Kahanga-hanga talaga itong si Propesor Albacete, hindi lamang siya isang guro na magtuturo lang sa buong araw ngunit siya rin ay isang “Kuya” na lagi kang bibigyan ka ng gabay at paalala kung may dumadaan na problema. 
Si Propesor Albacete ay isang magaling na guro dahil lagi niya kaming pinasisigla na magkaroon ng tiwala sa sarili, na magagawa namin na maging mas mahusay na estudyante. Ipinababatid niya sa amin ang mga kakayanan namin na hindi namin alam na  taglay pala namin. Siya ay isang mahusay na guro dahil ginagawa niyang kawili-wili ang aming pag-aaral kahit kami ay nahihirapan kung minsan. Ipinaliliwanag niya ang masalimuot ng mga bagay sa simpleng paraan. Hinihikayat niya kaming magtanong kung mayroon kaming hindi maunawaan. Hindi rin siya malamig makitungo, kundi palakaibigan. Nagpapasalamat kami sa kanyang mahusay ay kakaibang pagtuturo.
Kapag kami ay nagkakamali, itutuwid niya kami. Nagbibigay siya lagi ng payo para kami ay mapabuti. Nagpapasalamat po kami sa kanyang pagdisiplina sa min. Itinuturo niya sa amin ang magagandang asal at kung paano kami magiging isang mabuting estudyante. Humihingi po kami ng paumanhin sa mga nagawa naming mga pagkakamali. Patawad po sa mga nagawa naming kasalanan at mga pagkukulang namin sa inyo. Kung kayo man ay lilisan sa mundong ito hinding-hindi mawawaglit sa aming mga puso kung paano ninyo kami hinubog mahal naming guro. Mananatili ang bawat adhikain at pagpapahalaga ninyo sa edukasyon at ito ang magsisilbing gabay namin sa aming landas bilang isa mag-aaral at bilang isang guro sa hinaharap. Maraming Salamat aming guro, aming kuya at aming kapatid, G. Elmer C. Albacete.