Friday, March 13, 2015

Si M, si M, at si L.
Ni Jorebel E. Billones

I. Si M.
Bata pa lang ako siya ang kasama ko sa buhay. Hanggang ngayong malaki na ako, kahit na nakabukod na kami ng bahay, ay sa kanya pa din ako tumatakbo ‘pag may gusto akong ibalita. Siya, ang palaging umaalalay sa akin at nagdadala ng gamit ko nung kinder ako hanggang sa mag-elementary. Kung hindi pa nga nanganak ang asawa ng pinsan ko ay hindi pa ako matututong pumasok sa school ng mag-isa. Take note: walking distance lang naman ‘yon sa bahay. Siya na kasi ang nag-alaga don sa pamangkin ko kaya bigla aking naetchepwera.
Siya rin ang nag-aasikaso tuwing birthday ko. Siya ang taga-luto, taga-bili ng cake, taga bigay ng regalo at etc. Siya rin ang nakasama ko sa lahat ng programs at meetings sa school. Siya rin ang naka-attend ng lahat ng recognitions at graduations ko. Siya lahat ang nakasaksi ng importanteng kaganapan sa aking buhay. As in LAHAT.
In short, siya ang nag-alaga sa akin. Hindi lang sa akin, kundi sa aming magkakapatid. Kaya naman malaki ang utang na loob ko sa kanya. Pero hindi lang dahil sa pagkupkop sa amin, kundi dahil sa pagturing niya sa akin na higit pa sa tunay niyang anak.

II. Si M.
Bata pa lang ako, hindi ko na siya madalas makita. Hanggang ngayon, bihira lang kaming magkausap sa personal. Pero araw-araw naman kaming nagkakamustahan. Online, chat-chat, tawag-tawag lang ang peg. Pero siya, ang palaging nagbibigay ng payo sa akin. Sa totoo lang marami siyang kuwento, na ngayon ko lang nalaman, na talaga namang kinapupulutan ko ng aral.
Nung mag high school ako, siya na ang ‘tumutok’ sa pagbabayad ko ng bayarin sa eskwelahan. Ganon din nung makapag college ako hanggang sa ngayong wala na akong ginagwa kundi magtype ng magtype. Siya ang sumusuporta sa ‘ming pinansiyal — nagpapakagod na magtrabaho at nagtitiis sa pangungulila sa ibang bansa para lang makapagpadala ng pangkain.
Sa totoo lang, hanga ako sa kanya. Siya yung tipo ng taong gugustuhin ko, sa kabila ng minsang pagbubunganga niya, na maging katulad kapag ako’y lumaki na.



III. Si L.
Wala akong masiyadong ala-ala niya nung maliit pa ako. Ngayon ko na nga lang siya nakilala ng lubos eh, tapos bigla pa siyang kinuha agad pabalik Doon. Ayun tuloy, kaunti lang ang masasayang ala-ala na meron ako sa kanya.
Sabi nila, at ayon din sa pagkakakilala ko sa kanya, isa siyang mabait na tao. Sobrang bait na kahit hindi niya masiyadong kakilala ay papautangin pa niya ng kahit na magkano. Naalala ko tuloy, palagi niya kaming binibigyan ng pera tuwing makukuha niya ang pera niya sa SSS. At dahil don, kapag alam ko nang malapit na ang araw na iyon ay bigla na lang akong babait sa kanya. Hihi. Madalas ko kasi siyang kontrahin.
Mahilig ngumiti si L. Ang huling naaalala ko nga, at palagi kong nakikita sa panaginip ko ay ang mukha niyang nakangiti – yung masaya. Sobrang saya niya don. Hindi ko pa yata siya nakitang nagalit ng sobra o kaya’y umiyak. Basta palagi siyang nakangiti at masaya.
Ah oo nga pala, si L, ang nag-iisang N ng dalawa kong M. Kung hindi dahil sa kanya, wala akong matatawag na Mommy at Mama. Kung hindi dahil sa kanya malamang wala ako, kami. Kung hindi dahil kay Lola ay hindi ko magagawa ang isang paksa na ito na nagpapatungkol sa kanilang pagkatao.
Iba-iba man ang personalidad nila, hindi man sila pare-pareho ng nagawa, may mas matagal man akong nakasama sa kanila o kinikilala ko pa lang ngayon, para sa akin pantay pantay lang sila.
Pare-pareho silang dapat pasalamatan, pare-pareho silang dapat igalang, pare-pareho ko silang mahal.
Salamat sa lahat. Sana manatili kayo sa tabi ko ano man ang mangyari. At sana masabi ko sa inyo ‘to ng personal na hindi man lang nahihiya’ naiilang…
M, M, at L, mahal ko po kayo.

Maikling Kwento ( Head Line )

Ulo ng Balita
ni Jorebel E. Billones



Naalimpungatan siya. Hindi, nagulantang.

“Baaaaaangggg!!!”

Bigla siyang sinalakab nang matinding takot. Naririyan na naman sila. Sinulyapan niya nang nawala sa ayos na relo sa dingding: alas-dos ng madaling-araw.

Sinundan ang pagsabog nang rapido ng armalite. “Bratatatatat!”

Tiplag siya. Unti-unti siyang gumapang at sumilip sa siwang ng sawali. Nagpupulasan ang ilang kalalakihang naka-khaki.

Blag! May sumipa sa pintuan, nakakita siya nang kisap, biglang nagdilim ang buo niyang paningin.

GUMIGITI ang pawis sa kanyang noo samantalang kumikirot pa rin ang noong kinulata ng puluhan ng armalite.

“Aminin mong ikaw si Ka Lando,” sabi ng anino. Nalalambungan ng dilim ang mga mukha nilang paikut-ikot sa kanyang kinauupuan. Nakatali siya sa silyang narra.

“H-h-hindi ko ho alam ang sinasabi n’yo. Wala akong, uunnggh!” tanging ang kirot sa kanyang dibdib ang naramdaman niya nang hampasin ng yantok. Hindi siya makahinga. Buwisit! Mga putang-ina n’yo! Hindi mausal dahil sa tindi ng kirot ng kalamnan, mga kasukasuan.

Kssst! Sabi ng kawad ng pinagdikit. Binasa siya. Hindi, binuhusan siya nang tubig na pakiramdam niya’y sinalok lamang sa kung saang pusali. Saka idinait sa balikat niya, sa dibdib, sa bayag, sa utin. Kzzztt! Napapatiplag siya sa pagdaan ng daan-daang boltaheng dumadaloy sa kayang laman at ugat.

MANHID na siya nang tantanan ng mga anino. Nanghihina siya. Hindi na siya makapanlaban, hindi makagulapay. Naramdaman na lamang niyang kinalagan siya, kinaladkad na parang patay na hayop at saka ibinalibag sa mapanghing karsel.

Nakatulog siya dala na rin marahil ng pagod. O talagang nagdilim na ang isip niya dahil sa matinding kirot at hirap na naramdaman kanina?

NAKATANGHOD sa kanya ang hindi kilalang lalaking naka-fatigue nang magising siya.

“Alberto Dimasalang y Cunanan ba ang buo mong pangalan?” anito. Nasa harap sila ng makinilya. Amoy niya ang lansa ng sariling dugong natuyo sa kanyang punit-punit nang damit-mula pantalon hanggang kamiseta.
“Hindi. Alfredo Collantes po.”

Tiningnan siya nang masama ng nagtatanong.

“Ikaw si Alberto Dimasalang y Cunanan, ‘di ba?” angil nito. Para niyang nakikita ang musang na handang sumagpang sa manok.

“Hindi nga po…” mahina niyang sagot. Wala na siyang lakas para makipagtagisan pa.

“Titingnan natin ang totoo,” anito. Gumapang muli ang kilabot sa buo niyang katawan. Mauulit na naman ba?

ILANG ARAW na rin siyang nakakarsel nang magpunta ang kanyang ina.

Nang makita siya, pumalahaw nang iyak. Awang-awa ang matanda sa kanyang bunso.

“Ano’ng kasalanan mo sa kanila?” tanong ni Aling Matilde. Hindi siya kumibo. Nakatulala siya.

Nagpaalam ang ina. Pasumandali lamang siyang aalis at sa pagbabalik, may dalang pagkain at damit para sa anak. Nakatulala pa rin siya.

Napatangis muli ang ina. Takipsilim na nang umalis ang matanda. Umiiyak pa rin. Tumutulo na rin ang luha niya subalit walang rehistro nang anumang emosyon ang mga mata niyang nakatuon sa kawalan.

Parang muli niyang narinig ang mga yabag, ang pagsabog, ang mga putok at naramdaman ang kirot ng kanyang buong katawan.

Nakita niyang muli ang dalawang lalaking dumukot sa kanya sa kanyang kubo noong nakaraang linggo. Papalapit sa kanya. Hahawakan siya sa dalawang bisig ngunit manlalaban siya, aagawin ang kalibre .45 na nakasukbit sa baiwang nang isa. May putok na aalingawngaw.

MALAKING-MALAKI ang salitang iginuhit sa mukha ng diyaryo.

Napatay ng mga sundalo sa isang engkuwentro si Alfredo Collantes, 31, tubong Tobog, Oas, Albay na kilala rin sa alyas na Ka Mando, Ka Waway, at isang mataas ng opisyal ng New People’s Army (NPA) sa Timog Katagalugan… Matindi naman ang pagpapabulaan ng kanyang inang si Matilde. Aniya’y magbubukid lamang ang kanyang anak na dinukot ng mga sundalo noong gabi ng Mayo 13, sa bahay nito sa Legaspi.

Maikling Kwento

Sulyap na Naglaho

Ni Jorebel E. Billones 




Apat na buwan na din pala ang nakakalipas simula nung magalayas ako sa maliit naming bahay sa may Tondo. Halos maglilimang buwan na din pala. Tumira ako sa isang maliit na kwarto malapit sa aking pinapasukang Unibersidad nung mga panahong wala ako sa bahay. Minsan, naisip kong tumigil na lang dahil napapagod na kong magtrabaho bilang isang waitress sa isang bar. Nakakairita kasi ang ilang mga mukhang nakikita ko dun eh. Lalo ng nang mga kalalakihang maniyak na halos hubaran na ko ng kanilang mga tingin! Bilang babae, nakakailang ang ganun pero kailangan kong magtiis para sa pag-aaral ko at sa isa ko pang kapatid na nasa high school ngayon. Marami akong pngarap sa buhay. Ayokong magaya sa iba na umaasa na lang ng tulong sa ibang tao.

Carla, may tumawag sa telepono kanina, sabi ni Susan na umuupa din sa kwarto.
Sino daw? Anong pangalan? tanong ko naman habang binababa ang mga dalang gamit.
Yung mama mo ulit.
Anong sabi? Dapat sinabi mo na hindi na ako dito nakatira. Nang matigil na yon sa katatawag. Sabi ko naman.
Bakit ka ba galit na galit sa pamilya mo? Yung iba nga diyan eh, walang pamilya. Ikaw tong meron, ayaw mo naman. Paggigiit ni Susan.
Hindi naman sa ayaw ko sa kanila. Basta.. paliwanag ko naman sa kanya. Oh siya, matutulog na ko. Maaga pa ang pasok ko bukas eh. Sabi ko na lang para makaiwas sa ganung usapan tungkol sa pamilya ko.

Sa Tondo na ako lumaki. Kagaya ng alam ng karamihan, kapag sinabing Tondo  magulo, marumi, maingay at marami ang naglipanang masasamang tao. Well, hindi na nalalayo sa katotohanan. Magulo nga. Medyo nakakairita minsan kaya ko din nilisan ang lugar na yon. Pero hindi yon ang dahilan kung bakit ako umalis. Si Mama. Siya yung dahilan. Nakakaasar kasi eh. Bakit kaya sa lahat ng ina ay siya ang napunta sa akin? Pwede namang iba di ba? Ewan kung bakit napaka-UNFAIR ng mundo.
Anim kaming magkakapatid. Ako ang pangatlo. Yung dalawang nauna sa akin, mga maagang nagsipag-asawa. Yung sumunod sa akin, nag-aaral sa High School. Yung dalawang kambal na bunso, nasa elemetarya na, nakatira sa mga tiyahin ko. Doon kasi, naalagaan sila. Hindi sila napapabayaan. Since maagang namatay si papa, doon na tumira yung kambal. Hindi kasi sila naaasikaso ni mama eh. Palaging wala sa bahay. Puro inom, puro yosi lahat na yata ng bisyo taglay nung babaeng yun eh. Kaya ako napilitang umalis ng bahay. Kaya ako nag-iisa ngayon dito. Hindi ko kasi makayanan ang sitwasiyon kapag palagi kaming nag-aaway tuwing nagkaka-abutan kami sa maliit naming barung-barong.

Papasok na ako sa eskwelahan nang makita ko si Jenna. Ang kapatid ko na nag-aaral sa sekondarya.
Oh Jenna, anong ginagawa mo dito? Wala ka bang pasok? gulat kong tanong.
ate umuwi ka na sa bahay…” sabi nito.
Ano ka ba Jenna Alam mo naman ang sitwasyon di ba? Kinuha ko ang pitaka ko sa bag at kumuha ng isang-daang piso at ibinigay ko iyon kay Jenna. Oh ayan. Ibili mo ng mga kailangan mo kung meron man. Saka na uli ako magbibigay ng pang matrikula mo sa eskwelahan. Male-leyt na ako, kailangan ko ng umalis.
Sige ate…” Sambit ng kapatid ko.

Nakalayo na ko sa kanya. Lumingon uli ako pabalik upang sulyapan siya bago ako sumakay ng jeep. Nakatingin lang siya sa akin. Parang may gustong sabihin pero hindi niya lang masabi. Ano kaya ang nasa isip ng kapatid ko? Hindi kaya ay sinasaktan siya ni mama? Pero naisip ko, hindi pa kami napagbubuhatan ng kamay ni mama kahit kalian. Nahihirapan na siguro ang kapatid ko sa sitwasiyon namin. Sumakay na ako ng jeep at maya-maya ay nakarating na ako sa eskwelahan.

Bachelor of Journalism ang kinukuha kong kurso. Mahilig kasi akong magsulat gaya ng namayapa kong ama. Noong una, ayaw ni mama sa kuro kong iyon. Tumigil na lang daw ako sa pag-aaral kaysa magpatuloy sa ganung kurso. Naaasar lang ako kapag naaalala ko yon. Pero naisip ko, wala na kong pakialam sa kanya, total wala na din naman siyang pakialam sa amin. Kailangan ko na lang magsikap para sa akin at sa mga kapatid ko.

Natapos ang araw at gabi na naman. Nag-duty ako dun sa bar na pinag-tatrabahuhan ko. Nang matapos akong mag-duty, umuwi na ko. Naligo. Ginawa ang mga takdang aralin. Nagbasa ng leksiyon at saka natulog. Ganun ang normal kong buhay bilang isang independent.

Sumunod na araw, normal pa din ang lahat. Ganun at ganun pa din ang mga ginagawa ko. Ilang araw nang tumatawag si mama pero hindi ko iniintindi. Malamang bubungangaan na naman ako nun at pipiliting umuwi sa magulong lugar nayon. Pero isang beses, nanaginip ako. Bakit ba sa lahat ng pwedeng mapaginipan eh yung babae pa na yon? Bakit si mama pa? Haaaaaayyy sapanaginip ko, nakatayo lang siya. Nakatingin sa akin at may sinasabi. Hindi ko maintindihan kasi ayokong pakinggan. Kinabukasan, nakita ko na naman ang kapatid ko. Hinihintay ako sa labas ng pintuan ng kwarto na tinutuluyan ko.

Ate. sambit ni Jenna na nakapang-bahay lang.
Oh Jenna, bakit ganyan ang suot mo? Saka bakit ka umiiyak?? nag-aalala kong tanong.
Ate si mama kasi eh…”
Oh bakit? Anong meron sa babae na yon? Sinaktan ka ba? Bakit ganyan ang hitsura mo?! tanong ko pabalik.
ATE SI MAMA PATAY NA.

Na-blangko ako sa narinig. Agad kaming umuwi sa maliit naming bahay sa Tondo. May mga ilaw. Maraming tao,mag nag-susugal. Kumakain ng biskwit at umiinom ng kape. Karaniwang makikita sa isang lamay. Lumapit ako sa labi ni mama. May nakita kong sulat sa ibabaw. Para sa akin yon. Kinuha ko at binasa

Carla anak,
Kamusta ka na? Bakit hindi ka pa umuuwi? Ako heto ngayon, dumaranas ng sakit na Kanser sa dibdib. Hindi ko masabi sayo kasi nahihiya ako. Ayoko din namang madagdagan pa ang problema mo at ayokong kaawaan mo ako dahil dun. Sinusubukan kong kontakin ka pero wala ka daw sa bahay na tinutuluyan mo. Ilang beses na akong tumatawag pero hindi ikaw ang nakakasagot. Busy ka ba anak?
Pasensiya ka na kung minsan eh lasing ako na umuuwi ng bahay at dahil dun eh palagi tayong nag-aaway. Yun ang dahilan kung bakit ka umalis ng bahay di ba? Pagpasensiyahan mo na ako anak, ha? Nagagawa ko lang naman yon dahil gusto kong malimutan at wag maramdaman ang sakit na nararamdaman ko, anak.
Tungkol sa pag-tutol ko sa kinuha mong kurso, hindi naman talaga sa ayaw kitang magtagumpay. Ayoko lang na maranasan mo ang hirap na naranasan ng iyong ama bilang isang manunulat. Maraming mga mata ang nakatingin sayo. Mapanganib. Ayokong mawala ka din sa akin gaya ng kinahantungan ng iyong papa. Mahal na mahal kasi kita eh. Kayong magkakapatid.
Siguro sa oras na binabasa mo to eh nakaratay na ako sa harapan mo. Ayaw ko man, pero wala na akong magagawa. Alam ko na hindi imposible na isipin mo na marami akong pagkukulang sa inyo bilang ina. Pero wag mo sanang isipin na hindi ako naging mabuting ina sa inyo, mga anak. Pasensiya na kayo sa mama niyo. Lalo na sayo Carla. Ikaw ang mas labis na nahihirapan, anak. Mami-miss ko kayo mga anak patawarin niyo sana ang mama…”

Isang buwan na pala ang sulat. Tatlong buwan na pala akong hinahanap-hanap ni mama. Gustong gusto na niya pala ako na makita at mayakap muli. Matagal na pala siyang naghihirap sa sakit na Kanser. Parang bumagsak ang mundo ko pagka-basa ko ng sulat na yon. Wala man lang akong nagawa WALA kung hindi umiyak ng umiyak. Niyakap ko ang kabaong ni mama. Sinisigaw ko ang panagalan niya. Naging emosiyonal ang lahat. Maging si Jenna ay nakayakap na sa akin habang umiiyak nung mga oras na yon. Naisip ko tuloy, kailangan pa ba na humantong sa ganito bago ko siya mapatawad?! At bago ko maisip ang mga pagkukulang ko din sa kanya bilang isang anak?! Hindi ko man lang siya napakinggan. Hindi ko man lang soiya nasamahan sa mga paghihirap niya. Hindi ko man lang siya nakausap bago niya lisanin ang mundo. Sana pala sinagot ko ang mga tawag niya. Sana pala kinausap ko siya. Pero hindi ko ginawa yon. Nagsisisi ako.
Napakabilis ng oras. Tumatakbo ang araw. Lumilipas ang panahon. Tatlong linggo na din pala ang nakalilipas nang mamaalam kami kay mama. Umuwi na ako ng bahay at kasama ko na ngayon ang mga kapatid ko. Hinding-hindi ko malilimutan ang pananigip ko kung saan dumalaw si mama at nasulyapan ko siya na buhay na buhay at nakangiti habang nakatingin sa akin sa huling pagkakataon. Iyon na pala ang aking huling sulyap sa aking ina hindi ko man lang namalayan
Dalawang Mabuting Anghel
Ni Jorebél E. Billones
May Dalawang Anghel na naglalakbay.  Sa kanilang paglalakbay sila ay ginabi at naghanap ng matutuluyan.  May nakita silang malaking bahay.  
"Doon tayo!  Makiusap tayo baka tayo ay patuluyin nila!!!" sabi ng nakababatang anghel. 
"tok.. tok.. tok.."  
Bumukas ang pinto at isang matandang lalaki ang nagbukas ng pinto.  Ang leeg niya ay nakakasilaw dahil sa gintong kuwintas na kanyang suot. 
"Kami po ay ginabi sa paglalakbay, maaari po ba kaming makituloy...."  sabi ng nakatatandang anghel. 
 Hindi agad nakasagot ang matanda at tinitigan sila.  Nagaalinlangan ang matanda sapagkat sila'y nakabalatkayo at hindi alam na sila ay mga anghel.  Ngunit dahil sa pakiusap ng mga anghel na nagbalatkaong tao sila rin ay pinatuloy.  Sila ay pinatulog sa isang masikip na kuwarto na may maatigas na higaan.  Hindi sila inalok ng makakain kahit na alam ng matandang mayaman na sila ay nangangatog na sa gutom.  Nung sila ay matutulog na, nakita ng nakatatandang anghel na may butas ang dingding ng kuwarto.  Inayos niya iyon at isinarado ang butas.  Nakatingin amang ang nakababatang anghel sa mga nangyari.   Kinabukasan, sila ay nagpasalamat at umalis na.  Naglakbay nanaman sila at napunta sa isang bukid. 
 "Gutom na talaga ako!" sabi ng nakababatang anghel.  
"O sige teka lang... sa banda roon ay may maliit na kubo...  tingnan natin at tayo ay magtanong sa kanila.." 
 Nung sila ay malapit na sa kubo nakita nila ang magasawang matanda.  Makikita sa kanilang tindig ang hirap ng buhay. 

"Magandang hapon sa inyo, kayo ba ay naligaw?" sabi ng matandang lalaki. 

"Ginabi na po kami at kami po ay nagugutom... Nakakahiya po ngunit manghihingi kami ng pabor na kung may konti kayong tinapay ay manghihingi po kami para kami ay makaraos sa gabing ito.."  Sabi ng nakatatandang anghel... 
 "Oo meron kami dito at gabi na rin masyado para kayo ay maglakbay, kaya dto na kayo magpalipas ng gabi!" sabi ng matandang babae. 
  Gutom man hindi pa rin masyadong nakakain ang nakababatang anghel sapagkat napansin niyang ang ibinigay sa kanila ay ang tanging pagkain ng mag-asawa. Inalok niya subalit ipinilit ng mga matatanda na sila ay kumain sapagkat sila ay malayo apa ang alakbayin kinabukasan.  Maliban doon, pinatulog sila ng mag-asawa sa kanilang higaan, at ang mga matanda ay natulog sa sahig. 
  Kinabukasan, nagising ang nakababatang anghel sa isang malakas na iyak.  Lumabas siya at nakita ang matandang babae na umiiyak habang tinitignan ang asawang inaasikaso ang namatay na baka na tangi nilang kayamanan.  Bumalik sa loob ng kubo ang nakababatang anghel na may galit.  Hinarap ang isang anghel at sinabing "bakit mo ito ginawa?  iyong mayamang matapobre hindi tayo inasikaso pero inayos mo pa ang dingding ng bahay niya.  Pero itong mga matatandang halos lahat ng mayroon sila ay inalay sa atin.. hinayaan mo pang mamatay ang baka nila...  Bakit???" 
  "Naiintindihan ko ang ngitngit mo, munting anghel... Pero nung nandun tayo sa mansyon ng matndang matapobre na sinasabi mo..... nakita ko na may kayamanan sa butas ng dingding.. Hindi pa niya iyon nakikita.. At dahil sa masama ang ugali niya tinakpan ko iyon.... Kagabi naman, dumating ang anghel ng kamatayan.... kinukuha ang matandang babae... pero dahil mabait sila sa atin.. ang kanilang baka ang aking ibinigay...."
  "Sa ating buhay, maraming ganitong kwento...  Kadalasan nauuna ang ating panghuhusga...  Pero ang ating nakikita ay maaaring hindi tulad ng ating inaakala.. Tayo ay binibiyayaan sa paraang madalas ay hindi natin alam...."

Wednesday, March 26, 2014

Noong ako'y anim na taong gulang


Jorebel E. Billones
BSED 4 Filipino
Sanaysay at Talumpati
Mr. Elmer C. Albacete
Marso 24, 2014
AKLAT
Ang lahat ng mga araw na itinakda para sa akin
Ay nakasulat sa iyong aklat
Bago pa ang isa sa kanila ay nalalang.
-Psalm 139:16


Kaysarap talagang balikbalikan ang panahon na ikaw ay simpleng bata lamang hindi ba? Yung tipong gigising ka lang, magaaral at maglalaro kapag kagaling sa paaralan.  Kung minsan pa nga hindi mo na lang namamalayan ang nangyayari sa isang buong araw na mga iyon at pagkatapos ng buong araw na iyon ay matutulog ka na lang ulit. Oh! Diba kay simple lang ang takbo ng ilan sa mga oras noong tayo’y musmos pa lamangKung minsan nga sa edad ko ngayon minsan gusto ko na lang manatili sa ganoong mga panahon, iyong bang wala kang iniisip na problema, iyong banag parang laro lang ang lahat sa iyo. Ngunit hindi pala pwede ang ganoon lamang tayo sa buhay at ang manatili lang sa ganoong estado. 
Napakahiwaga ng ating buhay. Ito ay puno ng mga hiwaga  na nakapagdudulot ng kasiyahan at kahalagahan ng buhay. Hindi tayo nawawalan sa buhay; palagi tayong mayroong nakukuha mula dito. Kung mayroon man tayong mga masalimuot na karanasan, tayo ay nakakukuha ng mga aral na maaring makatulong sa atin upang maging mas mabuting nilalang. Kung mayroon man tayong magagandang karanasan, ang mga ito ay nananatiling nakaluklok sa kailaliman ng ating mga puso bilang magagandang ala-ala. Kung susubukan nating magbalik tanaw sa ating mga nakaraan, masasabi nating kay ganda pala ng mabuhay.
Kung hayaan man akong magbalik tanaw sa lumipas, di ko akalain na ako’y makarating sa ating naratnan ngayon. Sa loob ng dalawampu’t dalawang taon na pamamalagi sa mundo ay bata pa rin ang aking puso. Sa kabila ng lahat ng mga nangyayari sa aking buhay, maganda man o hindi, ay patuloy pa rin akong nakikibaka. Malinaw pa sa aking ala-ala ang bawat lumipas na nakaukit sa aking balintataw.
Sabi ng aking ina na ako daw ay isang panalangin mula sa Poong Maykapal. Hindi siya gaano nagdusa sa sakit noong ipinanganak niya ako dito sa mundong ibabaw noong Hulyo 16, 1991. Maliban pa doon, nakikita nyang mabait akong bata noong aking kamusmusan; natutulog lang ako ng mahimbing sa duyan kaya’t patuloy pa rin siya sa kanyang mga ginagawa. Umiiyak lang ako kapag basa ang aking lampin at kapag ako ay nagugutom. Di rin ako nagkakasakit noong aking kamusmusan. Marahil ito ang mga dahilan kung bakit paborito ako ng aking ina.
Ako ay lumaki sa isang relihiyosong pamilya na may anim na miyembro at ako ang panganay sa aming magkakapatid. Ako ay tinuruan ng aking mga magulang na magkaroon ng pananalig sa Poong Maykapal. Ang aking ama ay isang tinder sa palengke noon samantalang ang aking ina naman ay kasama niyang nagtitinda sa ming maliit na tindahan. Bilang pamilya, namumuhay kami ng payapa at simple kapiling ang aking mga kapatid na sina Mary Joy ang pangalawa sa aming magkakapatid, si Cyril ang sumunod at ang aming bunso na si Deza.
Noong ako’y mag-aanim na taong gulang pa lamang, ako ay pumasok sa Mababang paaralan ng Epifanio Delos Santos sa Kalakhang Maynila. Sa anim na taon na pamamalagi sa paaralang ito ay ginawaran ako ng ilang mga parangal, nakasama ako noon sa top 10 sa klase. Marami akong mga karanasan na kaytamis balik-balikan tulad ng mga sandaling ako’y nakatanggap ng kendi mula sa aming guro dahil sa nai-perfect ko ang aming pagsusulit. Noon din nagsimula ang aking interes na maging guro pagdating ng panahon. At may isa akong karanasan na hindi ko talaga malilimutan noong anim na taong gulang pa lamang ako habang nag-aaral ako sa mababang paaralan. Ang aming paaralan kasi ay masasabi kong napakalawak ng kanyang nasasakupan. Maluwag ang bawat espasyo sa bawat sulok ng mga gusali at lumang-luma na ang mga ito. Dahil malawak nga ang aming paaralan, mahilig akong maglibot at gumala ng gumala sa loob ng gaming paaralan kapag recess time na at syempre kasama ko ang aking mga kaklase. Madalas ako pa yung nangungunang magyaya na maglibot, pero may pagkakataon din na hindi nila ako sinasamahan. Sa mga oras na hindi na nila ako sinamahan ay mayroong isang kababalaghang nangyari sa akin noon, hindi ko maisip na may mangyayari sa aking ganoon. 

Isang gusali, madilim at mabaho. Nakakatakot doon at kung minsan wala talagang nagbabalak na tumuloy sa bahaging iyon. Nagugulumihanan ako kung ano ba ang mayroon sa gusaling iyon. Oo nga’t sa umaga ito ay isang napakaaliwalas kung ito’y pagmamasdan subalit pagsapit ng hapon punung-puno na ito ng kababalaghan. Kung minsan pa nga ay tinatakot pa kami ng mga nagbabantay sa paaralang iyon. Eh, hindi naman ako ganoon matatakutin  kaya hindi ako naniniwala. Sa katigasan ng aking ulo, tumuloy ako sa bahaging iyon ng gusali, wala akong ni-isang kasama. Medyo kinakabahan lang ako pero hindi pa rin umatras ang aking mga paa. Dire-diretso pa rin siya hanggang sa may nakita akong malaking pinto. Kinilabutan ako ng bahagya ngunit hindi pa rin ako nagpaawat, tumuloy pa rin ako. Palapit na ako palapit sa malaking pinto na aking nakita. Sa isip ko noong mga oras na iyon , “ Ano kaya ‘to? Anong mayroon sa loob nito? May halimaw kaya dito? “ sambit ko. Nakakatuwang isipin na naiisip ko pa yun noong mga oras na iyon. Hanggang sa nasa tapat na ako ng malaking pinto na ito ay unti-unti ko itong binuksan. Laking gulat ko sa aking nakita. Punung-puno ito ng mga aklat, at kung anu-ano pang mga anik-anik na nakatago lamang sa malaking pintong iyon. Hindi pala pinto iyon, iyon pala ay isang aparador na pagmamay-ari ng paaralang iyon. Hindi ko alam kung bakit may ganoon doon, bakit hindi nila inilalabas ang mga aklat na naroroon. Syempre andun na rin naman ako kumuha na ako ng isang aklat. Isang malaking aklat ang nadampot ng aking mga kamay, maalikabok man at medyo mabigat ay kinuha ko pa din. Hindi ko na matandaan kung ano ang larawan na nakaukit sa pabalat ng aklat ngunit masasabi kong kabigha-bighani nito. Ang aking naaalala na nakalimbag sa aklat na ito ay “ Manatili ka sa iyong sinimulan, huwag kang magbabago at patatagin mo lamang ang iyong paniniwala sa Kanya. Marami pang mangyayari at huwag na huwag kang susuko”. Hindi maliwanag sa aking balintataw ang mga sumunod na pahayag, iyan na lamang kasi ang nananatili sa aking isipan. Noong mga oras na iyon, hindi ko maintindihan pero napaiyak ako. Iyak ako ng iyak, basing-basa na ng luha ang aking mga pisngi hanggang sa may isang liwanag akong nakita. Natakot ako noon dahil sobrang liwanag na niya tapos may isang tinig akong narinig. Hindi nga ako makapaniwala noon ngunit totoo talaga siya. Ang tinig niya ay parang nagmumula sa malayo ngunit malapit lamang naman siya sa akin. At sinambit niya ang mga katagang ito “Ang lahat ng mga araw na itinakda para sa akin. Ay nakasulat sa iyong aklat. Bago pa ang isa sa kanila ay nalalang”. Lubos ang kagalakan ang aking naramdaman noon kahit ko tunay na maunawaan kung ano ang nais na iparating sa akin ng nilalang na iyon. Pagkatapos niyang magsalita ay unti-unti na lang naglaho ang liwanag na bumabalot sa silid na iyon. Natulala ako ng sandali at tumungo na palabas sa silid. 
Isang pangyayari sa isang buhay ko ang hindi ko malilimutan na mananatili sa isipan at puso ko. Marami nga hindi naniniwala sa akin noon kaya itinago ko na lamang siya. Ibinahagi ko ito sa aking mga kaibigan ngunit hindi pa rin sila naniniwala. Magsisilbi itong aral sa akin na hindi na siguro mawawaglit sa buhay ko. Ito na rin siguro ang naging dahilan para simulan ko sa aking isipan na maging madre. Noong una hindi ko alam kung bakit pumasok sa isipan ko ang mga ganoong bagay pero pursigido na talaga ako noon. Ngayon na nag-aaral na ako upang maging isang guro marahil kung may pagkakataon ako na ipagpatuloy ang pagiging isang madre at kung ito ay ipagkakaloob sa akin ng Panginoon bakit hindi? Ito ay isang pagtawag mula sa Poong Maykapal na hindi ko matatanggihan. Isa lamang akong bata noon ngunit isang hindi karaniwan na karanasan ang naiwan sa aking aking buhay. Ang tanging aral sa pangyayaring ito ay mas patatagin pa natin ang paniniwala sa kanya at sumunod sa kanyang kalooban.









Elehiya ng aking buhay



Jorebel E. Billones G. Elmer Albacete
BSED-4 Filipino Marso 23, 2014

"Elehiya ng aking Buhay"

Buhay natin ay isang regalo ng Maykapal. Kung minsan sa buhay natin hindi natin ito napahahalagahan. At sa buhay na namalagi ako sa mundong ito marami akong pinasasalamatan at masaya ako dahil naging bahagi ako ng isang mundong natuto akong maging masaya, malungkot, matakot at maging matapang. 
Sa loob ng walumpu’t walong taon na namamalagi ako sa mundong ibabaw na ito, marami akong natutunan na naibahagi ko na rin sa aking kapwa. Siguro kung aabot pa ako sa isang daang taon na siyang ninanais ng bawat isa sa atin ay marahil igugugol ko ang aking mga sandali na ibahagi kung ano ang kayamanang mayroon ako. 
Marami akong nais iwan sa mundong ito, nais ko na makatulong pa ng lubusan sa ating mga kababayan na lipos-dalita. Gumawa ng mga kanais-nais na gawain sa lipunan na maaaring makatulong sa paglago at pag-angat ng ating ekonomiya. Siguro kung mas marami pang pagkakataon nais kong ipagpatuloy ang pagbabahagi ng salita ng Diyos sa bawat isa sa atin upang hindi malimot kung ano nga ba ang ating halaga at misyon dito sa paraisong inilaan Niya sa atin. Nawawaglit na sa ating isipan kung minsan ang mga mahahalagang bagay na kailangan nating pagtuunan sa ating pang-araw-araw na buhay.
Ngayon nais kong iparating sa mga taong naging bahagi ng aking buhay ang pasasalamat at kasiyahang aking nadarama dahil naging malaking ambag sila sa paglago ng aking pagkatao. Ang aking pagkatao na noo'y mahina ay unti-unting naging isang kawayan na nanatiling tumatayo dumating man ang oras ng pighati, kalungkutan at kawalang pag-asa. Oo nga't musmos pa lamang ako ay parang pinuno na ang buhay ko ng kalungkutan ngunit may mga tao pa rin na andyan para sa akin upang pawiin ang bawat pagpatak ng luha sa aking mga mata. Ang mga dahilan kung kaya't sumisilay ang ngiti sa aking mga labi. 
Nais ko ding pasalamatan ang aking mga magulang na nariyan sa bawat oras ng aking kasiyahan, kalungkutan, at tagumpay. Sila lang naman ang gumagabay at tumataguyod sa aking pag-aaral na naging dahilan upang ako'y maging isang ganap na guro. Lubos ang aking kasiyahan sa mga hagod ng kanilang pagmamahal sa akin. Kung kaya't kung may maiiwan man ako sa mundong ibabaw na ito ayaw kong makikitang may lungkot sa kanilang mata kung ako'y lilisan sa isang buhay na kanilang iningatan simula pa noong ako'y isinilang.
Sabi sa kanta ng Buklod, “Pana-panahon ang pagkakataon, maibabalik ba ang kahapon?”  Paano babalikan ang kahapon kung ang kahapon ay isang pahina lamang sa panahon, kung ang panahon ay isang kabanata lamang sa kasaysayan, kung ang kasaysayan ay patuloy pa ring inaakda natin? Kung maibabalik ko nga lang ba ang kahapon, nais kong itama ang lahat ng aking pagkakamali sa aking pamilya, kaibigan at sa ating Panginoon. 
Oo nga't kaybilis ng panahon at minsan hindi natin masasabi kung kailan magwawakas ang lahat. Kung kaya hangga'tmay buhay pa tayong nalalasap sana ibigay na natin ang lahat ng kabutihan na mayroon sa ating sarili upang ganap tayong maging maligaya at karapat-dapat Kaniyang kaharian.

Thursday, March 20, 2014

Ang aking Guro: Propesor Albacete

Jorebel E. Billones
BSEd 4 - Filipino
Sanaysay at Talumpati
G. Elmer C. Albacete

Marso 25, 2014


Ang aking Guro: Propesor Albacete


Mas mabuti ang isang pag-aaral na kasama ng isang magaling na guro kaysa isanlibong araw ng masikap na pag-aaral. “ ( Better than a thousand days of diligent study is one day with a great teacher.”) Ang kasabihan na ito ng mga Hapones ay totoo po para sa akin.
Kay dami ng dumaan na mga guro sa aking buhay. Iba-iba ang kanilang mga katangian, pag-uugali at paraan ng pagtuturo. May hindi makabasag pinggan dahil sa sobrang bait, mayroon din namang “Ms. Tapia” lang ang peg sa sobrang taray. Mayroon din naman puro “Bring out your lecture notebook and copy this” sila yung mga guro na walang ginawa kung hindi magpakopya at nauubos ang buong oras ng klase nang kakakopya. Ngunit hindi rin naman kaila na mayroon din namang tayong mala-Albert Einstein na guro sa sobrang talino at dahil sa dami nilang naibabahagi sa iyong kaalaman ay mas nagiging interesado at nawiwili ka sa asignaturang iyon. At isa na nga rito ang isa sa mga hinahangaang propesor sa aking Unibersidad na tinatawan ng utang na loob sa aking paglago bilang isang mabuti mag-aaral. Siya ay si G. Elmer C. Albacete, isang guro sa asignaturang Social Sciences, Antrpolohiya, Politics and Governance, Phil. History at mga kurso sa Rizal sa iba’t ibang kilalang Unibersidad at Pamantasan. Hindi lamang siya isang simpleng propesor na maituturing ngunit isa din siyang punung-guro ng isang pribadong paaralan. Kahit isa na siyang matagumpay na guro sa kasulukuyan hindi pa rin siya  tumitigil sa paglalakbay sa kanyang landas bilang isang magiting na guro. Hindi siya tumitigil sa pagtanggap ng iba’t ibang oportunidad na dumarating sa kanyang buhay. Kahanga-hanga talaga itong si Propesor Albacete, hindi lamang siya isang guro na magtuturo lang sa buong araw ngunit siya rin ay isang “Kuya” na lagi kang bibigyan ka ng gabay at paalala kung may dumadaan na problema. 
Si Propesor Albacete ay isang magaling na guro dahil lagi niya kaming pinasisigla na magkaroon ng tiwala sa sarili, na magagawa namin na maging mas mahusay na estudyante. Ipinababatid niya sa amin ang mga kakayanan namin na hindi namin alam na  taglay pala namin. Siya ay isang mahusay na guro dahil ginagawa niyang kawili-wili ang aming pag-aaral kahit kami ay nahihirapan kung minsan. Ipinaliliwanag niya ang masalimuot ng mga bagay sa simpleng paraan. Hinihikayat niya kaming magtanong kung mayroon kaming hindi maunawaan. Hindi rin siya malamig makitungo, kundi palakaibigan. Nagpapasalamat kami sa kanyang mahusay ay kakaibang pagtuturo.
Kapag kami ay nagkakamali, itutuwid niya kami. Nagbibigay siya lagi ng payo para kami ay mapabuti. Nagpapasalamat po kami sa kanyang pagdisiplina sa min. Itinuturo niya sa amin ang magagandang asal at kung paano kami magiging isang mabuting estudyante. Humihingi po kami ng paumanhin sa mga nagawa naming mga pagkakamali. Patawad po sa mga nagawa naming kasalanan at mga pagkukulang namin sa inyo. Kung kayo man ay lilisan sa mundong ito hinding-hindi mawawaglit sa aming mga puso kung paano ninyo kami hinubog mahal naming guro. Mananatili ang bawat adhikain at pagpapahalaga ninyo sa edukasyon at ito ang magsisilbing gabay namin sa aming landas bilang isa mag-aaral at bilang isang guro sa hinaharap. Maraming Salamat aming guro, aming kuya at aming kapatid, G. Elmer C. Albacete.